Tuesday, October 28, 2008

Mali ka

(Originally posted on Thursday, October 2, 2008)

Sabi ko sa sarili ko, "Pwede naman siguro kitang mahalin kasi hindi naman mali magmahal." Naniniwala ako noon na basta alam mo ang ginagawa mo, hindi pwedeng mawalan ka ng control sa nararamdaman mo.

Ito siguro ang naging dahilan para mangyari ang lahat ng nangyayari ngayon. Noong una, inisip ko na ayos lang ang mapagsabihan mo o di kaya'y mapagbawalan mo. Sabi ko kasi sa sarili ko, mas masarap ang pakiramdam ng napagbabawalan dahil alam kong may pakialam sakin kaysa sa basta na lang pinababayaan.

Nang tumagal, mas naging mahigpit ka. Madalas mabilis kang magalit sa mga bagay na hindi ko naman hawak. Kahit alam kong hindi ko kasalanan, iniisip ko na baka hindi ko lang maintindihan na kasalanan ko talaga kaya ako na rin ang humihingi ng paumanhin. Ayoko kasi ng gulo.

Ironically, masyado nang magulo ang kung anu-anong parte ng buhay ko. Isa ka dun. Pero ayokong maging magulo tayo. Kahit alam ko na 'pag inako ko ang salitang tayo, mas gugulo. Babalik ako sa sinimulan ko.

Pinabayaan ko ang sarili kong mahalin ka dahil napapasaya mo 'ko. Pinabayaan kong lumalim ang nararamdaman ko kahit alam natin pareho kung bakit ilang beses kong pinigilan itong mangyari. Madali ka lang mahalin dahil mabuti kang tao. Pero habang tumatagal, nagiging mahirap kang mahalin.

Bakit?

Dahil alam kong sa bawat araw na pinababayaan ko ang puso kong mahulog sa 'yo, pinababayaan ko ring masaktan ang mas marami pang mga tao. Kasama ka. Kasama ako. Kasama sila.

Hindi nga mali ang magmahal. Pero mali ang balewalaing makasasakit ang pagmamahal na iyon.

Hindi nga mali ang magmahal. Pero mali ang umasang may patutunguhan ang pagmamahal na iyon.

Hindi nga mali ang magmahal. Pero mali ang mahalin ka.

No comments:

Post a Comment