Tuesday, October 28, 2008

Pitfalls of predicatbility

(Originally posted on Sunday, October 5, 2008)

Masaya ako na ikaw ang kasama ko. Masaya 'ko na ikaw ang katabi ko. Masaya 'ko na kamay mo ang nahahawakan ko. Masaya 'ko na mga labi mo ang nahahalikan ko.

Masaya ko na ikaw ang nakapagpapasaya sa 'kin. Pero ikaw din ang higit na nakakasakit sa 'kin.

Hindi biro ang higit anim na taon na nating pagsasama. Marami na tayong napagdaan--mga bagay na higit pa sa pareho nating inakala.Naging matatag ako sa tulong mo. Pinalakas mo ang loob ko. Pinatibay mo ang paniniwala ko.

Tinanggap natin ang isa't isa, kasama ang mga kahinaang alam nating likas sa bawat tao.Naniniwala tayong lubos na nating kilala ang isa't isa.

Masaya.

Pero mahirap din pala.

Dahil lubos na kitang kilala, alam ko na kung paano mo pinaparamdam na mahal mo 'ko. Siguro ganun ka din. Dahil lubos na kitang kilala, alam ko na kung paano mo ipakitang masaya o malungkot ka. Alam ko na rin kung kelan ka naglalambing lang o tunay na nasasaktan.

Ikaw din malamang, alam mo na rin siguro lahat ng ito. Dahil sa lubos na nating kilala ng isa't isa, alam na natin ang maari nating gawin tuwing may malaking away o simpleng tampuhan.

Alam ko na ang mga bagay hindi mo gagawin. Madalas umaasa ako na sa kabila ng mahabang panahon na magkasama tayo, mayroon ka pa ring mga paraan para suyuin ako na hindi ko pa nararamdaman. Pero madalas din, walang bunga ang pag-asa ko.

Mahirap din pala pag lubos mo nang kilala ang isang tao. Ang pagiging predictable ang unti-unting pumapatay sa kung anong mayroon kayo. Yung pare-pareho na lang. Yung wala nang lugar para sa iba pang bagay. Yung dahil ito ang nakasanayan, dito na lang tayo.

Hindi ko alam kung paano natin 'to maisasalba. Hindi ko alam kung paano natin maibabalik yung simpleng kasiyahan ng pagiging unpredictable-- yung katuwaan ng bagong pakiramdam.

Pero sa kabila ng lahat ng ito, nangangako akong hindi bibitiw. Sana lang, ganito rin ang nararamdaman mo.

No comments:

Post a Comment